Mayroong life-size na rebulto si San Pedro Calungsod gaya ng nasa Maynila at Cebu. Liban dito, sa gawing kanan ng pasilyo ng simbahan ay may dalanginan din sa harap ng isa pang lifesize na rebulto nina San Pedro Calungsod at Beato Diego Luis de Sanvitores.
Kahit bata pa’y misyonero na si San Pedro Calungsod. Naging katekista gamit ang mga sulat ng Doctrina Christiana na isinulat ni Padre Juan de Plasencia, ang founder ng bayang Taytay noong 1579.
Si Pedro Calungsod ay tinawag sa paglilingkod sa murang edad na 14-taon. Noong 1666 hanggang 1668, nasa tuwirang pangangalaga at pagsasanay siya ni Padre Diego Luis de Sanvitores, ang kura paroko ng Parokya ni San Juan Bautista sa Taytay noon. Ang maging alalay ng isang paring misyonero ay hindi gawang-biro; wika nga’y kayod-marino na, all-around pa! Bukod sa pagiging bihasa sa Katesismo, sinanay rin siyang magsalita sa Español at Latin. Natutunan niya ang sining sa pagguhit, pagpinta, pag-awit, pag-arte at karpenterya na pawang kinakailangan sa pagmimisyon. May sapat siyang kamuwangan sa paglilingkod bilang sacristan sa Banal na Misa alinsunod sa sinaunang Tridentine Rite.
Dumating sina Pedro Calungsod at Padre Sanvitores sa Isla Ladrones (na naging Marianas, at ngayon ay Guam) noong Hunyo 15, 1668, araw ng Sabado, ang “Araw kay Maria.” Si Pedro ay 17 hanggang 18 taong gulang nang sila ni Padre Sanvitores ay kapwa mapaslang noong Abril 2, 1672, araw din ng Sabado — at sa panahon pa ng Kuwaresma, sa pagitan ng Viernes Dolores at bisperas ng Linggo ng Palaspas.
Ang mga kabataan natin ngayon ay makahuhugot ng inspirasyon at kalakasan sa halimbawang ipinamalas ni Pedro. Nang dahil sa pag-ibig niya kay Jesus ay lubos na inilaan ang panahon ng kaniyang kabataan sa pagtuturo ng Pananampalataya bilang isang katekistang layko. “Sa diwa ng Pananampalatayang katatampukan ng malakas na Eukaristiko at debosyon kay Maria, hinarap ni Pedro ang maraming sagabal at hirap… hanggang kamatayan,” ang sabi ni Saint Pope John Paul II.
Si Padre Sanvitores ay idineklarang “unang martir ng Marianas” at ginawang “Beato” ni Pope John Paul II noong Oktubre 6, 1985. Si Pedro Calungsod naman ay naging “Beato” rin noong Marso 5, 2000. Gayunman, siya ay ginawang “Santo” (canonized) ni Pope Benedict XVI noong Oktubre 21, 2012 — sa mismong araw ng World Mission Sunday, sa Year of Faith, sa panahong ginanap ang Synod sa Roma hinggil sa New Evangelization.