Pamilya at Buhay. Ito ang paksa ng HUMANAE VITAE, encyclical letter ni PopePaul VI. Humarap ang Simbahan sa mga kaaway na determinadong baliktarin ang mga batas at institusyon para atakihin ang Pamilya at sagradong Buhay ng tao.
Nagpahayag ng paninindigan ang Simbahan laban sa contraception at abortion na noo’y nagsimulang lumaganap sa western countries. Nagluwag ang mga patakaran at batas ng gobyerno. Dito sa Pilipinas ay naipalusot noong December 2012 ang mapanagnib na Reproductive Health Law.
Modern methods daw ang birth control pills, injectables, intrauterine device (IUD), condoms/diaphragms, sterilization (ligation at vasectomy). Ang totoo, maraming drogang kontra-buntis (contraceptives) na ang bisa ay pampalaglag (abortifacients). Ang IUD ay pumipigil sa buhay na punla (fertilized egg) para kumapit sa uterine wall ng matris. Pinipigil ang ovulation at implantation kaya’t ang human embryo sa sinapupunan ay nadudulas, di makakapit hanggang sa tuluyang malaglag. Kahit paikut-ikutin man ang usapan, pagpapalaglag pa rin ang bagsak niyon!
Taliwas sa Konstitusyon ng Filipinas, patuloy na iginigiit ng mga kapural ng RH Law na ang technical/medical description ng abortion ay “nag-uumpisa ang buhay (di-umano!) sa implantation at hindi sa fertilization--kaya ang paglalaglag sa panahon ng fertilization ay hindi raw matatawag na abortion.”
Hamon sa mga katuruan ng Simbahan
Ang tao ay binigyan ng buhay at nilikha ng Diyos bilang Kaniyang kawangis--lalaki at babae sila na magtutugma para magsalin ng panibagong buhay at pamahalaan ang sansinukob (Genesis 1:27-30). Sa sandaling sila’y magsiping (fecundation/conception/fertilization), kaagad nagsisimula ang isang bagong tao. Kaya ang buhay na nasa sinapupunan ay hindi “dugo, laman, o butiki” na basta kikitilan ng buhay para hindi makarating sa yugtong implantation.
Hindi safe ang pildoras (pills). Aminado ang mga experts na ang estrogen-progestogen oral contraceptive ay nakakakanser (Int’l Agency for Research on Cancer-World Health Organization, July 29, 2005).
Ganito rin ang sabi ng journalist ng Columbia na si Barbara Seaman sa kanyang aklat na The Doctor’s Case Against the Pill at The Greatest Experiment Ever Performed on Women, Exploding the Estrogen Myth. Pinatibayang kabilang sa pangunahing adverse effects ng pills sa kababaihan ay cancer sa breast, cervix at liver, premature hypertension at coronary artery disease resulting to heart attacks and strokes, thromboembolism/pulmonary embolism. Kabilang din ang decrease dlibido, infertility, leg cramps, gallstone formation, nausea, bloatedness, at iba pa.
Walang siento-porsientong siguradong droga. Kung namihasa ka na sa contraceptives (contraceptive mentality) at kapag pumalya, nakundisyon na ang konsiensiya mo para tanggapin ang pag-abort ng “unwanted baby.”
Sabi ni Alfred Moran, chief executive officer ng Planned Parenthood of New York City (New York Times, 1983), “Until we reach the millenium when we have a perfect contraceptive, when every pregnancy is planned and all children are born wanted, Planned Parenthood will continue to provide not only sex education and contraception but also abortion.”
Sadyang ipinanganak na kambal ang contraception at abortion. Sa ibang bansa'y hantaran at legal na ito. Dito sa atin ay pasok na ang contraception sa RH Law; kaya lang ang gitgitan ay nasa pagharang ng "contraceptives bilang mga abortifacients". Ang diskarte ay mapanganib at tusong makata: “If contraception is legal, can abortion be far behind?
Nasasaad sa Phil. Constitution (Article II, Section 12) na “Pangangalagaan ng estado kapwa ang buhay ng ina at nasa sinapupunan niya mula conception hanggang sa panganganak.” Pero ang “reproductive rights” ay ideolohiya at imbento lamang ng mga promotor nito. Ni wala ngang ganito sa 1948 United Nations Declaration of Human Rights.
Ang pakulong “freedom of choice” ay patibong lamang. Sa nalalabuan ang isip ay may “freedom” pumili kung bubuhayin o kaya’y kakatayin ang “unwanted baby” na para bang wala silang karapatang ipanganak. Karapatan daw ninuman ang magpakaligaya sa “safe sex” at bumili nang bumili ng mga contraceptives at condoms na kapag sumablay ay pwede namang magpa-abort. “Responsible parenthood” at “population development” daw ang pagkontrol ng bilang ng mga anak, o ang makipagsiping tapos ay huwag ituloy ang pagbubuntis at pag-aanak dahil sa kahirapan ng buhay. Para bang ang mga bata, laluna kung pobre, ay ipinanganganak na pabigat lamang sa mundo -- puro bibig lamang na kumukunsumo, walang kamay, paa’t iba pang parte ng katawan na makagagawa at may kakayahang mapanlikha.
Ang tunay na diwa ng Stewardship, pangangalaga at Responsible Parenhood: “…niloob ng Diyos na magpakarami ang mga tao at maging responsable silang mangasiwa sa masaganang kalikasan (Genesis 1:28).
Ang kasakiman, pagsasamantala, pang-aapi, katiwalian sa yaman ng mundo ang sanhi ng kahirapan at pagdarahop ng tao -- hindi ang sinapupunan ng ina na pinagpala ng Diyos para ipagpatuloy ang henerasyon ng sangkatauhan hanggang sa wakas ng panahon.