Dito sa Taytay ay malalim ang pinaghugutan ng debosyon kay San Josef.
Ay, magdiriwang tayo, laluna ang mga debotong tatay na Taytayeño.
May naalala tayo. Noon, maliban pa sa Cofradiá ay may umiiral ding sinaunang grupo na Capisanan ng Poóng San José. Sa ngayon, ang mga nagpatuloy ng debosyon kay Tatay Josep ay kabilang na rin sa grupo ng Cofradia.
Sa dakong likuran, isang mapait na karanasan sa kasaysayan ang nakaukit sa petsang Marso 19, 1899 (kapistahan ni San Jose). Minasaker ng mga tropang Kano ang may isang libong sibilyang Taytayeño.
Kasunod nito, Hunyo 3, 1899, ang simbahan ng Parokya ni San Juan Bautista ay labis na nasalanta ng apoy dahil sa kasunod na pambobomba ng mga Kano rin. Ang nalabing nakatindig na lamang ay ang bungad-na-harapan (facade), dingding at kampanaryo.
Sakdal-luwalhati si San Josep. Pinakadakila sa lahat ng santo sa ating Liturhiya, maliban kay Jesus at Maria.
Ang pagdakila sa mga nasa-kaluwalhatian ay tinatawag na “Latria” (adoration), ang pagsambang ukol lamang sa Holy Trinity — Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ang "dulia" ay [veneration] ukol sa lahat ng iba pang Santo. Ang “Hyperdulia”, ang pinakamataas na pagpipitagan [veneration] na ukol lamang para sa Mahal na Birheng Maria. Si San Josep naman ay pinag-uukulan ng pagdangal na “Protodulia” -- sa kaniya ipinagkakaloob ang “Proto” o unang puwesto. Tamang-tama ang pagkakasunud-sunod at pagkakaugnay kapag sinasambit natin ang “Susmaryosep!” (Jesus, Maria at Josep).
Ipinagkatiwala kay San Josep ang dalawang mabunying misyon. Una, tinawag siya para maging “esposo ng Birheng Maria” na Reyna ng mga anghel at santo. Ikalawa, ang higit pang dakila na maging “Ama ni Jesus” na Anak ng Diyos na Buhay, ang Walang-hanggang Ama.
Ibinuhos ng Diyos ang nag-uumapaw na biyaya sa puso’t kaluluwa ni San Josep. Kaya nga’t sa gitna ng ligalig at krisis ng mundo, sa mga praktikal at pang-araw-araw na buhay natin, ay marapat nating ipagdangal si San Josep bilang “Patron ng mga ama.”
Prayer to Saint Joseph | O Blessed Joseph, you gave your last breath in the loving embrace of Jesus and Mary. When the seal of death shall close my life, come with Jesus and Mary to aid me. Obtain for me this solace for that hour - to die with their holy arms around me. Jesus, Mary and Joseph, I commend my soul, living and dying, into your sacred arms. Amen |