Pagbabalik-loob ang kaniyang hamon. Ihanda ang daraanan ng Panginoon—hindi ang mabato at maruming landas kundi maaliwalas at dalisay na lansangan sa puso ng bawa’t isa.
Puspos ng Espiritu Santo, sa sinapupunan pa lamang ni Elizabeth ay naglumukso na sa galak si Juan sa pagtatagpo nila ng Panginoong Jesus na nasa sinapupunan ng Birheng Maria. Nagpuri’t nagdiwang si Juan sa kaniyang nakalaang misyon na mamatay para sa Pananampalataya. Ang pagiging matuwid at tinig ng Mabuting Balita ang magbubuwis ng kaniyang buhay.
Samantala, ang diwa ni Haring Herodes ay kinubabaw ng pita ng laman, nilunod ng harot ng sayaw ni Salome, naglublob sa tiwaling moralidad at malupit na pagpaslang. Pero nababatid ni Herodes na si Juan ay isang propetang banal at matuwid. Kaya’t nasa kamay niya ang huling pagpasiya at pagpili ng sariling hantungan.
Umaalingawngaw ang tinig ni Juan Bautista sa harap ng lumalalang imoralidad sa ating lipunan, ligalig at pamamaslang, korupsiyon sa pamahalaan at pagtalikod sa Pananampalataya. Ano ang ating tugon?