Susuportahan ko ang "namumuno sa tao nang may katarungan, nang may takot sa Diyos." (2 Samuel 23:3)
Susuportahan ko ang nagtataguyod "sa ating sambayanang Pilipino na humihing ng tulong sa Diyos para itatag ang isang makatarungan at makataong lipunan at Pamahalaan..." (Preamble, 1987 Constitution)
Si Duterte at ang kaniyang mga alagad ay itatakwil ko. Si Duterte ay sumumpang wawasakin ang Simbahang Katolika na kinabibilangan ko. Ang Simbahan ng mayorya sa populasyon ng Republika. Simbahang marunong rumespeto sa kapwa at sa ibang relihiyon.
Ang binabastos ni Duterte ay relihiyon din ng sarili niyang ina, ang sariling Bibliya ng kaniyang ina na mismong pinagpatungan ng kamay niya noong siya'y manumpang Presidente. "...So help me God," ang pagsamo niya.
Inaalispusta niya ang mga aral at katuruan, mga sakramentong banal at tradisyong sagrado ng Simbahan. Tinawag pang "istupido ang Diyos."
Masamang espiritu ang nag-uudyok sa kaniya para bulgar na magsalita sa publiko ng mga ganito?
- "Sino 'yung mga tangang nasa Last Supper? Basta na lang ginawang santo kasi nandu'n sila sa painting... San Isidro, San Pablo, St. Jude, Santo Rodrigo, kung sino na lang.”
- “Paano ka maka-concentrate na yung Diyos mo pinako sa krus. Tang_na yan. Nakakawala ng bilib. Ako ang Diyos tapos ipako mo ako? Put____na! ”
- "Kung binigyan ako ng Diyos na maliit na 'ari', puputulin ko ito sa harap ng altar... Put____na, ito lang bigay mo sa akin?"
Palakpakan, hagalpakan ang mga panatikong supporters ni Duterte. Pati mga kandidato niyang "Katoliko rin daw." Walang isa man ang nangahas ipagtanggol ang kanilang relihiyon laban sa hayagang pang-iinsulto. Kapag naging senador ang mga tulad nilang walang sariling prinsipyo at disposisyon, siguradong sunud-sunuran lang sila sa dikta ng presidente na naglagay sa kanila sa pwesto.
Eh, bakit nga ba Katoliko lang ang paboritong insultuhin at lapastanganin ni Duterte? Pero takot naman siyang magbitiw ng anumang masakit na salita laban sa mga Muslim. Ayaw niyang kantiin ang INC na may malaking nakahandang "block vote."
Minumura ni Duterte ang mga Obispo't pari dahil sa pagpuna nila sa malupit niyang drug war. Tokhang. Walang due process. Sentensiya agad. Nakahandusay ang libu-libong bangkay ng pinagsususpetsahang adik—na di-umano'y lahat ay nanlaban. "Sagot ko kayo!" yan ang palakas-loob niya sa mga operatibang pulis.
Mortal na kasalanan ang pagpatay. Noon pa'y aminado na si Duterte na sanay siya sa mga pagpatay na extrajudicial (EJK). Normal at bukambibig na niya sa harap ng publiko ang pagbabanta at pagpatay. Kasabay ang pagmumura. Nag-uudyok pa siya na holdapin at patayin ang mga Obispo.
Naghambog siyang wawakasan ang problema sa droga sa loob ng 3 hanggang 6-buwan, di ba? Pero 3-taon na ngayon, patuloy pa rin ang pananalanta ng droga. Inamin ng PDEA na lalo pang dumami ang mga lulong sa droga. Paano ba naman, mismong sa Customs ay nakakalusot ang bilyon-bilyong halaga ng tone-toneladang droga galing sa China. Nakakakilabot kung totoo ang bintang ni "Bikoy" sa kaniyang "Totoong Narcolist" kung sino ang "may tattoong dragon, malalaking tao sa gobyerno, negosyanteng lokal at Intsik na nasa likod ng sindikato ng droga."
"Change is coming" ang battle cry ng kampanya ni Duterte noong 2016 election. Pumatok siya kahit ampaw ang kaniyang mga argumento sa mga pormal na debate. Pangtsismis lang ang diskusyon at asta pang butangero. Para ngang hindi abugado kung mangatwiran. Pero marami pa ring nagpauto kahit wala siyang proven tract record sa mga usaping pambansa at international. Ni wala ngang maipakitang economic blueprint.
Ah, basta. "Federalismo ang solusyon sa lahat ng problema ng bansa. Charter change ang kailangan." Walang maipaliwanag ang bibig kaya dinaan na lang sa lips-to-lips sa mga babaing nakapalibot sa kaniya—kahit kaharap pa ang kaniyang "kinakasamang asawa." At nang maupong presidente ang machong mayor ng Davao, saka umalingasaw ang sample ng balahurang "pepe-dede-ralismo" at kung anu-ano pang kabulastugan.
Pffft! Hungkag. Kalampag lang pala ng lata ang inilalakong pederalismo. Mas alam pa nga ng madla ang mga istorya ni "Mayor na dapat na mauna" at "Boy finger" na payag "sa impiyerno na lang mapunta dahil naru'n ang magagandang babae."
Iwas debate ang mga kandidato ni Duterte. Wala kasi silang alam kung paano maging mambabatas—at senador pa mandin. Nakatanghod lang sa likod na parang mga miron, habang silang mag-ama ni Sara ang tagapagsalita sa kampanya. Tutal, "hindi naman kailangan ang honesty sa pagkandidato. Lahat naman daw hindi honest." Kaya ba kahit plunderer, convicted ng graft, namemeke ng diploma at kuwalipikasyon, pwedeng-pwede sa kampo nila? 'Yun bang gaya ng Tatay Digong nila, kapag nabibisto ang kasinungalingan, sasabihing "joke joke" lang pala?
Imbes na ipaliwanag ang unexplained wealth ng kanilang pamilya na inilantad ng grupo ng journalists, inilihis ni Duterte ang issue at ang "laki ng kaniyang 'ari' ang ipinagyabang." Siempre, hagalpakan sa tuwa ang mga utu-uto. Nalansi sila? O hindi lang abot ng kanilang IQ, o common sense, ang sustansiya ng issue: may hindi nakadeklarang malaking yaman ang mga Duterte sa kanilang SALN; unconstitutional 'yun, may mga batas na nilabag.
Pwes, code of ethics sa gobyerno: obligado silang magpaliwanag, lalo pa't malaon na silang nagpapanggap na mahirap. Di ba't si Duterte ang nag-ulok na patalsikin sa Supreme Court si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno dahil lamang sa "nawawalang SALN"?
Inabsuwelto at nakakalaya ang mga plunderer ng pork barrel. Kumakandidato pa ulit, ha! May multi-milyong kasong graft si Imelda Marcos, convicted pero hindi naaresto, pinagpiyansa lang. Ang pinag-initang kritikal na media, si Maria Ressa Robles at Rappler, ay kinansela ang rehistro sa SEC saka kinargahan ng sunud-sunod at patung-patong na kasong tax evation at cyber libel, inaresto kahit gabi na at may pagbabanta't pananakot pa ang NBI arresting officer, at yung isa'y pag-aresto kay Ressa pagkababang-pagkababa ng eroplano sa NAIA.
Nito lamang Abril 22, ang Malacañang ay naglabas ng "oust Duterte matrix". Nagpapakulo na di-umano'y may coup plot. Tinukoy ang mga "kritikal na grupo ng media at mga abogadong human rights at iniuugnay sila kay "Bikoy". Nakakatawa, walang basehan, walang sense. Pero peligroso ito! Maaaring ito na ang simula ng malawakang pagsupil sa media. Gaya ng "narcolist" ni Duterte, ang "matrix" niya ay pwedeng biglang maging "warrant of arrest" o "hitlist."
Nakakabangon na sana ang ekonomiya ng bansa mula sa perhuwisyo ng pandarambong ni Marcos. Pero nang umakyat si Duterte sa poder, binigyan niya ng hero's burial ang diktador, at lalo pang ibinaon ngayon sa utang ang Filipinas. Pinatungan pa ng napakalaking patubo ng China sa mga sekretong deal sa mga kontrata para sa "Build, build, build program."
Hayun, ang clean-up drive pala sa Manila Bay at Boracay ay para sa reclamation at business projects ng China at mga katoto ni Duterte. Ang Davao naman ngayon ang isusunod ng kumpanyang Intsik na siya ring nag-reclaim ng sinakop ng China na isla ng Scarborough sa Zambales. Ang siste pa, ang lahat ng proyektong reclamation at pagproseso ng mga kontrata at permit ay kinabig na sa ilalim ng Office of the President; hitsa-puwera na ang LGUs at DENR. Lutung-luto na ng mag-best friend na Digong at Xi Jinping ang "development" ng Filipinas.
Pinalibutan na ng mga militia ng China ang mga isla nating may napakayamang deposito ng langis at iba pang mineral. Nililimas pa ang malawak na pangisdaan sa teritoryo natin. Naagawan ang mga Filipino ng trabaho dahil pinapasok na sa bansa natin ang daan-daang libong Intsik na laborers—kuno—pero halata namang mga sundalo. Nilusob na tayo ng China, ibinenta't ipinagkanulo na ang bansa. Tanga-tangahan lang? Dedma pa rin ba?
Morally bankrupt ang rehimeng Duterte. Liban sa pagiging dugyot, bastos at tampalasan, wala itong kakayahang pamunuan ang bansa tungo sa kinabukasang may hustisya, kaunlaran at kaayusan.
Alalahanin natin na tiklop na ang Supreme Court, kontrol na ni Duterte ang super majority ng Batasan. Senado na lang, kumpleto na ang paghahari niya. Kaya desidido siyang maipanalo ang mga alagad niyang kandidato.
Nahaharap tayo ngayon sa kritikal na yugto bilang isang Kristianong bansa, soberanong bayan, marangal at dakilang lahi. Sagipin natin ang bayan sa kapahamakan mula sa kamay ni Duterte, at sa malaking banta ng dambuhalang China.
Nasa malayang pasiya ng bawa't isa kung alin ang pipiliin: "ang MABUTI o masama, ang BUHAY o kamatayan. Piliin natin natin ang MABUTI. Piliin natin ang BUHAY." (ref. Deut. 30)
May pag-asa pa. Bumoto nang tama, may tapang, at may dangal. Gawin ang boto natin bilang protesta.
Filipinas, ang BOTO natin ay para sa mga tunay na OPOSISYON!