Ang Marso 25 na dati nang solemnidad ng Annunciation sa ating kalendaryong pang-Liturhiya ay naging Biyernes Santo ngayong 2016. Ang Annunciation ay “buhay.” Ang Biyernes Santo ay “kamatayan.”
Ay, parang asiwa kung parehong petsa, di ba? Sa iisang selebrasyon, ang Mahal na Inang Maria ay tila sabay na nag-“yes” na isisilang niya at mamamatay ang kaniyang Anak—ang Simula at Katapusan, ang Alpha at Omega ng Ebanghelyo ng ating kaligtasan.
Pero wala tayong dapat ikalito. May gabay naman ang Simbahan sa ganitong bibihirang pagkakataon.
Kapag ang pista ng Annunciation ay natapat sa mga Mahal na Araw (Holy Week), ito’y inililipat sa unang araw matapos ang Easter octave—kasunod ng Divine Mercy Sunday. Kaya ito'y ginawang April 4, araw ng Lunes, ngayong 2016.
Noong Marso 25, 2013 ay Lunes Santo, kaya ginawang April 8, araw ng Lunes, ang Annunciation. Ang Marso 25, 2027 ay matatapat sa Huwebes Santo. Kung gayon, April 5, Lunes din ang Annunciation.
Ba't ganu'n? Kasi, ang Paschal mystery o ang Pasyon-Kamatayan-Pagkabuhay ng Panginoon ang pinakasentro sa Liturhiya ng ating Pananampalataya. Mas pinatatampok ito kaysa alinman sa lahat ng mga kapistahan sa ating Liturhiya. Kahit pa ang Annunciation ay isang Solemnity o natatangi sa mga kapistahan, ipinagdiriwang lamang ito kung pagkatapos ng Easter octave (Divine Mercy Sunday).
Mainam na pagnilayan natin ang sinabi ni San Padre Pio: "...Mahigpit na humawak sa Rosaryo. Lubos nating pasalamatan ang Mahal na Ina dahil ibinigay niya sa atin si Jesus."