Kinuha ng mga kamag-aral ni Rizal ang naiwang imahen. Inilagak iyon sa salansangan sa bulwagang-aralan ng Ateneo at nanatili roon nang may 20-taon.
ANG ESTATUWA NG SACRED HEART. Ang sukat ng estatuwa ay 9-pulgada, gawa sa kahoy na batikuling. Ang ipinang-ukit ay lanseta. Ang imahen ay nakaladlad ang kaliwang kamay at bukas ang palad na nakalahad. Ang kanang kamay ay nakatungo sa gawing kaliwa ng dibdib. Sa wari'y pwersahang nauka at nabutas ang dibdib at mahigpit na tangan ang pusong may koronang tinik na nalilibutan ng liyab ng apoy.
ANG PAGBABALIK. Bumalik si Rizal sa Filipinas noong Agosto 1887 taglay ang impluwensiya ng kaisipang-Mason na hayagang "kaaway ng Simbahang Katolika." Maituturing na siyang "erehe at filibustero sa pananaw ng mga Kastila."
Bumisita siya sa mga kaibigan sa Ateneo. Nang siya'y paalis na, ang munting estatuwa ay ipinakita sa kaniya ng isang katiwalang katulong. Tugon ni Rizal, “Sa ibang araw na lang Kapatid, hindi na 'ko naniniwala sa ganiyang mga bagay."
Disyembre 1896, matapos mahatulan ng kamatayan si Rizal, humiling siyang mabisita ng mga Padreng Jesuita. Nagdudumali namang dumating sina Padre Miguel Saderra Mata, rector ng Ateneo Municipal, at si Padre Luis Viza sa kulungan ni Rizal sa Fort Santiago. Malugod silang tinanggap ni Rizal.
Nang mag-usisa si Rizal tungkol sa kaniyang estatuwa ng Sacred Heart ay agad hinugot ni Padre Viza ang naturang imahen sa bulsa ng kaniyang sutana. Kinuha naman ito ni Rizal. Masuyong hinalikan muna niya at saka ipinatong sa mesa. Sa mesang ito niya isinulat ang Mi ultimo adios (Huling paalam).
Dapit-hapon, bisperas ng pagpatay sa kaniya, nagbalik-loob sa pananampalataya si Rizal at ginawa niya ang huling pagkukumpisal kay Padre Jose Villaclara, ang kaniyang dating guro sa Physics. Nakapakinabang pa siya ng Banal na Misa at nakapag-Rosaryo. Muli niyang naisuot ang kaniyang medalyon ng Birheng Maria na napakatagal niyang winaglit.
Kinabukasan bago lumabas sa bilangguan, muling hinaplos ni Rizal at idinampi sa kaniyang mga labi ang "Sacred Heart". Mahigpit na idinikit sa kaniyang dibdib, malapit sa puso. Bago mahinay na ibinalik sa mga Padreng kasama niya. At pumaroon siya sa Bagumbayan, humarap sa firing squad.