He aqui la Virgen Maria: Sientes la dulce armonia Que se oye entre cantos mil? O si amigo! La percibo, La miro tambien venir… Oh, que secreta alegria Yo siento dentro de mi! Unamos a nuestros acentos En este dia feliz, Saludemos a la Virgen. -Jose P. Rizal Here comes the Virgin Mary... Oh, don't you feel the sweet concord That rises from the throng As they lift their voices in song? Ah, yes, my friend! Indeed I feel it. Now I am seeing The Holy Virgin of Peace... (Translated by: Nick Joaquin) | Inmaculada Concepcion, imahen sa harap-gitna ng Simbahan ng Parokya ni San Juan Bautista sa Taytay. |
Ang provincia ng Rizal ay binuo ng mga 26 na municipalidad, 14 mula sa lumang provincia ng Maynila (Las Piñas, Malabon, Makati, Parañaque, Mandaluyong, San Juan, Navotas, Muntinlupa, Taguig, Pateros, Pasig, Marikina, San Mateo, at Montalban); at 12 mula sa Distrito Politico-Militar de Morong, (Angono, Baras, Binangonan, Cainta, Antipolo, Cardona, Jalajala, Morong, Pililla, Tanay, Teresa at Taytay). Ang luklukan ng Provincial Government ay nasa Pasig.
Si Jose Rizal at ang kaniyang inang si Doña Teodora Alonso ay tubong provincia ng Laguna. Kapwa sila deboto ng Birhen ng Antipolo, ang Nuestra Señora dela Paz y Buen Viaje (Ina ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay). Si Rizal ay ipinamintuho ng kaniyang ina sa Birhen ng Antipolo sapul pa noong nasa sinapupunan pa lamang siya. Nalampasan ng kaniyang ina ang labis na hirap sa panganganak, bagama't isinilang si Rizal na mahina ang katawan.
Ang mag-inang Teodora at Rizal ay kabilang sa mga debotong manlalakbay. Galing mula sa Laguna at patawid sa Ilog Pasig, sila'y dumadaan sa Cainta at Taytay. Bitbit ng duyang hamaka, naglakbay pakyat ng Antipolo ang mag-ina upang tupdin ang panata at pangako ng pagdalaw nila sa Mahal na Birhen noong Hunyo 6, 1868.
“Ito'y bilang pasasalamat dahil ginagabayan ka ng mahabaging Ina hanggang sa matutunan mo ang lahat-lahat… ang lahat ng kaalaman mo'y dahil sa dami ng dinasal mong Rosaryo. Huwag sana nating malimutan ito…” ang masuyong pangaral ni Doña Teodora sa bunsong anak.
Si Rizal ay sumulat ng isang zarzuela (dula-awit) na pinamagatang Junto al Pasig (Sa Gilid ng Pasig). Napakahusay ng pagkakasulat niyon sa wikang Español. Itinuturing ng mga kritiko sa literatura na iyon ay isang obra maestra ng batang si Rizal. Katatapos pa lamang ni Rizal sa Ateneo Municipal de Manila at nag-aaral na siya sa La Real y Pontifica Universidad de Santo Tomas de Aquino (University of Sto. Tomas) nang isulat niya ang naturang katha.
Ang piyesang ito'y isinadula sa Ateneo noong Disyembre 8, 1880, araw ng kapistahan ng Inmaculada Concepcion. Sa naturang katha'y itinampok ang “nag-uumapaw na galak ng kalooban ng mga taong nais sumaliw sa awit ng koro, at pagdaka'y sama-samang magpugay sa Banal na Birhen ng Kapayapaan.”
Sa nasabing dula-awit ay mapangahas na hinahamon ni Rizal ang mga Kristiyano. Malikhaing inilarawan niya sa isang pangitain si “Satanas na nagpanggap na 'diwata' sa layunin nitong manlinlang at manukso. Samantala, ang Birheng Maria naman ang Babaing mahigpit na katunggali ni Satanas."
Ikumpara ang tema sa Revelations 12 ng Biblia. Ang rurok ng mensahe ng zarzuela ay nag-uumigting sa paglalatag “kung sino sa kanilang dalawa, si Satanas ba o ang Birheng Maria, ang dapat nating panaligan at piliin.”
Sa edad na 35 noong 1896, isinulat ni Rizal ang madamdaming Mi último adiós ¡Adiós (Huling Paalam) at nag-alay ng kaniyang buhay para sa Inang bayan.
Sa mga huling araw niya'y nakapagbalik-loob siya sa pananampalataya, nakapangumpisal, nakapag-Misa at nakapag-Rosaryo sa loob ng bilannguan sa Intramuros. Sa huling pagkakataon, humarap siya sa firing squad na muling suot ang kaniyang medalyon ng Birheng Maria na matagal niyang winaglit. Ngunit sa kaniyang pamamaalam, hawak niyang muli ang Rosaryo hanggang sa kaniyang huling hininga.
Ave Maria, ipanalangin mo po kami… ngayon at kung kami'y mamamatay, Amen!
Related topic: Lakbay-Pananampalataya Parokya ni San Juan Bautista, Taytay <https://www.facebook.com/204744733045488/photos/pb.204744733045488.-2207520000.1409926779./207578486095446/?&theater > |