Paano kaya natin ipupuwesto ang mga bata sa ating buhay-pamilya, panlipunan at pananampalataya? Dahil malaganap ang artificial birth control o contraception, nanganganib ang mga values at pananaw natin hinggil sa mga bata—at pati kasal at pamilya. Makabubuting kumunsulta tayo sa mga mapagkakatiwalaang sources. Huwag pabitag sa impluwensiya at panlilinlang na lumalaganap sa mass media at maging sa ilang nagpapanggap na grupong relihiyoso. Baka tayo’y mailigaw. Magsuri’t manalangin upang tayo’y ipag-adya.
Casti Connubii (Christian Marriage) at Humanae Vitae (Human Life). Sa encyclicals na ito, noon pa ma’y natukoy na nina Pope Pius XI (CC, 31 Dec. 1930) at Pope Paul VI (HV, 25 July 25 1968) ang artificial birth control bilang pangunahing banta sa sagradong kasal at pamilya. Nauna rito noong 1908, ang mga Obispo ng Anglican Communion (hindi Catolico) ay nagsabing “ang artificial birth control ay nakasisira sa pagkatao at kapakanang pambayan.” Pero noong 1930 ay pinayagan nila ang paggamit ng artificial birth control basta raw may gabay na “Christian principles” bagama’t aminadong magdudulot ito ng paglaganap ng kalaswaan (fornication) at imoralidad, kahit pa nagrekomenda ito ng paghihigpit sa pagbebenta nito.
At noong 1959, kumambyo ang paninindigan nila: “May karapatan at responsibilidad ang mga magulang na magdesisyon sa bilang ng mga anak, nang may dunong sa pangangasiwa ng resources at kakayanan ng pamilya at may pagsasaalang-alang din sa populasyon at problema ng lipunan at pangangailangan ng susunod pang henerasyon.” Ang dating “laban” ay naging “bawi” na, at nirerekomenda pa ang paggamit ng artificial birth control! Kung may simbahang naligaw sa usaping ito, makikitang ganito rin ang “taktak” ng mentalidad ng modernong lipunan ngayon. Gayunma'y mapalad pa rin tayo dahil maagap sina Pope Pius XI at Paul VI noong kanilang kapanahunan na nagpahayag ng di-nagbabagong katotohanan at mga katuruan ng Simbahang Katolika hinggil sa kasal at pamilya.
Kasal: isang sagradong institusyon. Diyos mismo ang nagtatag sa matrimonyo ng kasal, pati mga batas upang ito’y palakasin at ipagdangal, kaya’t hindi ito maaaring pasakop sa balangkas ng tao kahit gawa pa mismo ng mag-asawa (CC#5).
Oo nga’t kapasiyahan ng mag-asawa ang bubuo ng kasal pero ang katuturan ng matrimonyo ay di saklaw ng pasiya ng tao, na kapag sila’y pumasok sa kasunduang matrimonyal, sila’y napasasa-ilalim na sa makalangit na mga batas at katuparan nito (CC#6). Dahil mula nga sa Diyos, ang layon ng kasal ay ipagkaloob sa tao ang panukala Niyang pag-ibig…na ang mag-asawa’y kapwa maghahandog ng sarili sa isa’t isa (mutual gift of selves) at para sa kanilang dalawa lamang (exclusive)…na nakikipagtulungan sa Diyos para magbigay at mag-aruga ng mga panibagong buhay (anak).
Ang kasal ng mga binyagan na may biyayang sakramento ay kumakatawan sa pagbubuklod ni Kristo at ng Kaniyang Simbahan (HV#8—Eph.5:31-32). Ayon nga kay San Agustin, may 3-biyaya ang kasal: mga anak, katapatan sa pagitan ng mag-asawa, at dangal ng sakramento (CC#10).
Mga anak ang unang-unang biyaya ng kasal (CC#11-18—Gen.1:28, 1Tim.5:14). Ang mag-asawa ay katuwang ng Diyos sa pagpapalaganap ng sangkatauhan. Binabalikat nila ang tungkuling arugain at bigyan ng edukasyon ang mga anak.
Ang dakilang katatayuan ng kasal ay naglalagay sa mga bagong anak ng Diyos sa kandili ng kanilang mga magulang, mula sa sinapupunan ng ina hanggang sa pagluwal sa mundo, patungo sa buhay na walang hanggan. Taliwas dito ang artificial birth control na kaagad pumapatay sa bata sa sinapupunan pa lamang ng ina.
Katapatan ng mag-asawa ang ikalawang biyaya ng kasal (CC#19). Sa kasal ay pinagbubuklod ang mag-asawa “bilang isang katawan” (Gen.1:27, 2:24). Nagsasanib ang kanilang buhay, ganap na nagtutulungan, nagbibigayan at naglilingkod sa Diyos (CC#20-30—1Cor.7:3-4, Eph.5:25, Col.3:19). Isa itong pag-ibig na ganap, natatanging personal na ugnayan ng mag-asawa na kung saa’y nagbabahaginan sila ng lahat-lahat ng kanila para sa isa’t isa (HV#9).
Anupa’t ang pagtatalik-mag-asawa ay dapat na tanging sa loob lamang ng sagradong kasal. Kapag nagbunga ang ginawa sa labas ng kasal, ang karaniwang tawag dito’y “anak-sa-labas” o “putok-sa-buho.”
Dangal ng sakramento ang ikatlong biyaya ng kasal. Ang kasal ng 2 binyagan ay itinanghal bilang sakramento na nagpapabanal at kumakatawan sa pagbubuklod ni Cristo at ng Simbahan (CC#31-43 at HV#8—Gen.2:24, Eph.5:21-32). Ang katapatan sa sakramento ay kaban ng mga biyaya, upang puspos na makatupad sa mga karapatan at tungkulin kahit hanggang wakas--‘till death do us part, wika nga (CC#40 at HV#8-9). Ang kasal na binigkis ng Diyos ay di puwedeng paghiwalayin ng tao; bawal ang pangangalunya at diborsiyo (Matt.19:3-6); pangangalunya rin ang may-pagnanasang tingin (Matt. 5:28) gaya ng pagpapalit ng asawa, kahit ang dahilan pa’y para magkaanak (CC#33).
Anupa’t ang 3-biyayang nabanggit ay mga batayang katangian ng kasal, at hindi puwedeng paghiwa-hiwalayin—kung tatanggalin ang isa, mababale-wala naman ang iba pa.
Pamilya. Kasal ang nagsisilang ng mga anak, at ng pamilya. Sumisibol ang pamilya sa pag-iibigan, sa pagsisiping ng mag-asawa, na palagi at kapwa unitive (love) at procreative (life). Malaking kasalanan ang sikilin ang biyayang katangiang ito na may kakayahang magsalin ng buhay (CC#72). Kailangang bukas ang pamilya sa kalooban ng Diyos tungkol sa bilang ng mga bata na ipagkakaloob sa kanila, na kakalingain, bibigyan ng edukasyon sa kabanalan at katotohanan.
Kapag gumamit ng artificial birth control ang mag-asawa, imbes na natural na pagpipigil (contenance o biological rhythms), sila na kung gayon ang nagpapasiya ng Buhay imbes na ang Diyos na may-akda nito. Ang kasal, pamilya at bata ay hindi gawa ng gobyerno ng tao kaya’t di-puwedeng sagkaan at pakialaman ng mga batas at patakaran ng estado gaya ng pagtatangka ng Reproductive Health Law ng 2013.
Ipinaaalala sa atin ng Simbahan na ang pagsunod sa batas ng kalikasan at pangmoral (natural at moral laws) ang katiyakan ng kaayusan at kaunlaran ng pamilya ng tao at ng lipunan sa pangkalahatan. Ang taliwas dito ay nagreresulta ng imoralidad gaya ng divorce, adultery, extra-marital at pre-marital sex, fornication, pornography, homosexuality, sterilization (ligation, vasectomy), genetic manipulation at mutilation (in-vitro fertilization at human cloning), abortion, infanticide, pedophilia, child abuse at iba pa. Ang mga ito’y Sodom at Gomorrah (Gen.19) na parang zombie na muling bumangon sa ating modernong kapanahunan.
Bata, bakit ka ginawa? Niloob ng Diyos na hindi basta mabuhay at magparami lang ang mga tao. Higit pa rito, ang sila’y sumamba sa Diyos, makilala nila, mahalin at sa bandang wakas ay maluwalhating makapiling Siya sa langit (CC#12).
Dapat ding maunawaan ng mga Kristianong magulang na nakalaan sila hindi lamang para palaganapin at pangalagaan ang sangkatauhan sa mundo, hindi lamang imulat para sumasamba sa tunay na Diyos, kundi mga anak na magiging miyembro ng Simbahan ni Kristo, para hubugin ang mga kababayan sa kasamahan ng mga Santo at makabilang sa sambahayan ng Diyos, sa gayo’y dumami sila araw-araw (CC#13).
Ayon kay San Agustin, ang mga anak ay dapat na maging bunga ng pagmamahalan at bigyan sila ng puspusang edukasyon (CC#17). Tinukoy ng Code of Canon Law: “Ang pangunahing layunin ng kasal ay pag-aanak (procreation) at edukasyon ng mga anak.” Ito ang orihinal na bokasyon ng tao: Plano ng Diyos na maging responsable ang lalaki at babae nang iutos Niyang “Go and multiply (Gen.!:28).” Dito nakapaloob ang tunay na diwa ng Responsible Parenthood at Family Planning--pero taliwas ang mga itinuturo sa mga health centers ng gobyerno na may layuning population control. Hindi puwedeng “Multiply and go”—ang ganu’y hit-and-run, aksidente, ala-suwerte. Naku, mabigat yata ang pananagutan ng magulang ng mga bata sa harap ng Diyos at sa kapwa-tao.
Ay bata, ngayo’y alam ko na kung bakit ka ginawa…Bow!