Si Elias ay nagtagumpay sa bundok ng Carmel laban sa mga diyus-diyosan. Nananalig sa pagdating ng isang Birheng magsisilang ng Tagapagligtas (Unang Hari 18:42). Kalaunan, itinayo sa bundok ng Carmel ang isang maliit na simbahan bilang parangal sa Birheng Maria bago siya iniakyat sa Langit (Assumption). Dito rin nagpakita ang Birheng Maria kay St. Simon Stock na hawak ang Brown Scapular noong Hulyo 16, 1251. Ganito rin kay St. Bernadette sa Lourdes, France noong Hulyo 16, 1858 at kina Lucia, Francisco at Jacinta sa Fatima, Portugal noong Oktubre 13, 1917.
Ang pagsusuot ng Brown Scapular ay tanda ng pagtatalaga-ng-sarili kay Maria na Ina ng Diyos (consecration to the Immaculate Heart). Ito’y simbolo ng pagtulad natin sa mga banal at dalisay na virtues ni Maria. Tayo’y napasusukob sa mantel ng kaniyang maka-Inang pangangalaga. Ang Brown Scapular ay debosyon, isang "silent prayer."
July 16 ang kapistahan ng Our Lady of Mount Carmel. Mainam na pagnilayan ang mensaheng taglay ng Brown Scapular gaya ng pangako ng Inang Maria kay St. Simon Stock noong July 16, 1251: “Whosoever dies in this garment shall not suffer Eternal fire.”
* * * * * * * * * * * * * * * * * * * *
Maaalalang may pagmumurang tinawag ni Duterte na "istupido ang Diyos at inalispusta ang Bibliya". At inulit pa niya ang pang-iinsulto na "istupido ang Diyos ng Katoliko; samantalang ang kaniyang diyos daw ay may sintido kumon, at inaglahi pa ang sagradong Huling Hapunan at mga Apostol". May aroganteng paghahamon pa ang presidente kung sino ang makapagpapatunay na totoong may Diyos, "Magpakita ng selfie bilang katibayan."
Tila nalimutan ng "bright president" na nanumpa siya bilang presidente sa Konstitusyon ng mga Filipinong nananalig sa Diyos (nasa Preamble); habang nakapatong ang kaliwang kamay niya sa BIBLIA na pag-aari mismo ng kaniyang namayapang Katolikong ina na si Nanay Soledad na nakibaka laban sa diktadura ni Marcos.
Nakakalungkot. Nakapanghihilakbot. Sa harap ng mga ganitong pangyayari, marami pa ang pumapalakpak. Nagtatawanan. Sa iba'y parang wala lang. Ang mga panatikong tagasuporta ay nagpapalusot at nagbibigay-katuwiran pa.
Magkagayunman, ang nais ng Diyos ay hindi ang pagsira ng tao ng kaniyang damit, kundi ang kuyumusin ang sariling puso upang magbalik-loob sa Kaniya, at lubusang itakwil ang kasamaang nasa puso (Joel 2:13).
Sa isang exhortation letter ("Rejoice and be glad") ay nananawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na gawin ang darating na July 16 (Lunes) bilang "araw ng panalangin at pagsasakripisyong bayad-puri sa Diyos" (prayer and penance) para sa "habag at katarungan ng Diyos sa mga taong lumapastangan sa Kaniyang Banal na Pangalan, sa mga nag-alimura at nagsinungaling, sa mga pumatay o gumawa ng katuwiran sa kanilang pagpatay bilang paraan ng pagsugpo ng kriminalidad sa bansa."
Hiniling ng mga Obispo na ang mga sumusunod pang 3-araw, July 17-18-19 (Martes-Mierkules-Huwebes), ay maging mga "araw para sa pag-aayuno, pagdarasal, at kawanggawa."
Ayon pa sa CBCP, "Ang Simbahan ay walang pulitikal o ideolohikal na agenda sa pagtugon sa mga isyung ito na kinakaharap ng bayan. Lagi itong nasa pananaw ng pananampalataya at moralidad (faith, morals), lalo na sa mga prinsipyo ng katarungang panlipunan."