Sa nasabing ilog ay may malaking tipak na bato na ginagamit na tuktukan ng tagapaglaba ng isang mangangalakal na Tsino-Cantones na naninirahan sa lugar na iyon—ito na ngayon ang kanto ng kalye Adhika at Rizal Avenue. Katapat din nito ang kapit-bahay niya sa panulukan ng Adhika na nagngangalang Espiridion Suallo. Ang bahay ni Suallo ay kaharapan din ng kapilya ngayon sa Rizal Avenue.
Sa tuwing humahataw ang palu-palo ay may dumaraing ng “aruy…aruuuy!” Nang angatin ng ilang kalalakihan ang tila pawikang likod ng malaking bato at maiahon sa tubig, tumambad sa kanila ang isang imahen ng Birheng Dolorosa na kasinlaki ng tao. Natuklasang may paukit na nakasulat sa likod nito na: “ang nagpagawa ay si Padre Pedro Silva.”
May ilang gabing misteryosong nagliliwanag sa loob ng simbahan gayong wala pang kuryente ng Meralco noon. Napupuna ring nag-iiba ang posisyon ng imahen sa kinatatayuan nito na tila “gustong umalis.” Dahil dito, pinagpasiyahan ng mga kinauukulan na ibalik na lamang ito sa gilid ng ilog, kung saan ito natagpuan, at saka idambana roon sa isang kubol.
Natagpuan ang nasabing imahen ng Birheng Dolorosa noong 1875 sa panahon ni Padre Esteban Martinez, ang kura paroko mula noong 1874 hanggang 1879. Simula noon ay pinagyaman ng mga tao ang “dambana” at tinawag nila itong “Kapilya ng Dolores.” Pati ang barangay ay pinangalanan din ngayon na Dolores.
Kabilang sa mga unang bayan na itinatag ng mga Kastila ang Taytay at San Mateo sa dako ng Rizal noong 1570s. Noon ay parehong kabilang sila sa provincia ng Tundo (Maynila), at may panahong kapwa naging sakop rin ng unang misyong-Jesuita sa Taytay-Antipolo. Napabilang din sa pamahalaang sibil ng binuong Distrito de los Montes de San Mateo noong 1853, na sa kalaunan ay naging Distrito Politico-Militar de Morong pagsapit nang 1857.
Sa talaan ng mga paring nagmisyon sa malawak na lugar ng provincia ay bukod-tangi at walang kapangalan si Padre Petrus de Sylva (Pedro Silva) na natalaga sa San Mateo noong 1701. Tinukoy sa Catalogus Brevis Personarum Provinciae Philippinarum na: “Mula sa kinatatayuan ng kaniyang simbahan sa bundok ng San Mateo, sa dakong kapatagan sa ibaba ay may isang kapilyang nasa gilid ng pambansang lansangan na palagiang dinadalaw ng mga manlalakbay at deboto lalo na kung araw ng Biyernes.” Pinaniniwalaan na ito ang Kapilya ng Dolores natin ngayon dito sa Taytay.
Noon ay may ilog pa sa likuran nito na karugtong-pababa ng Ilog Taytay—nagtatagpong patungo sa lugar ng daungan (embarcadero) sa bandang Lupang Arenda at tuluyang sumasanib sa malawak na Laguna de Bai. Ito ay napaglalayagan pa noon ng malalaking bangkang casco sa pangangalakal. Malinis at napaglalabhan pa ang tubig-ilog.
Ngayon ay wala nang bakas ng ilog sa likuran ng dambana. Makipot na rin ang Ilog Taytay hanggang sa lagusan nito sa lawa.
Ngunit ang Birheng Dolorosa ay nanatili sa piling ng Taytay. May magandang dambanang kapilya na at desididong palakihan pa ito upang matugunan ang patuloy na pagdami ng mga debotong dumadalaw at nagsisimba.
Ang imahen ng Dolorosa na lamang ang pinak amatandang nalalabi na naisalba mu la sa sinaunang kasaysayan ng Taytay ang nasa pangangalaga ng Parokya ni San Juan Bautista. |
alay sa Dolorosa
Ayon sa debotong si lola Charing Francisco, 80-anyos, ikinuwento ng kaniyang lolo Esperidion Suallo na “may isang babaing naggala noon sa Maynila sa paghahanap ng pabango para sa kaniyang bahay na di-umano’y may nangangamoy-palikuran (toilet). Nagsadya ang babae sa Botica Boie sa Escolta at nakipagkasundo sa may-ari nito na pupuntahan siya kapag mayroon na sila ng uri ng pabango na hinahanap niya.”
“Nang tuntunin ng may-ari ng Botica Boie ang tirahan ng babae sa Taytay, ang natagpuan niya ay ang mismong dambanang kubo, at ang mahiwagang babaeng namukhaan at nakilala niya’y walang iba kundi ang Birheng Dolorosa."
Ang makasaysayang Botica Boie ay itinatag ng Kastilang si Dr. Lorenzo Negrao sa Maynila noong 1830. May puwesto ito sa Escolta mula 1880 hanggang 1920. Ang mga produkto nito’y medisina, instrumentong pang-opera at siensiya, floor wax, toilet articles at flavor extracts. Sumikat ito sa katas ng pabango ng ilang-ilang at sampaguita na ipinagwagi pa ng gold medals sa mga exposition sa Madrid noong 1887 at sa St. Louis noong 1904.
Mula noo’y lumakas ang paniniwala ng mga deboto na sadyang magiliw ang Birheng Dolorosa sa kanilang mga alay na bulaklak ng ilang-ilang at sampaguita.
Selebrasyon, debosyon
sa Mahal na Ina
May hatid na ginhawa at galak sa piling ng ating Inang Dolorosa bagama’t may mariing dagok sa dibdib kung pagmamasdan ang imahen ng Pieta na nagpapakitang nasa kandungan ni Maria ang patay na si Jesus na ibinaba mula sa Krus.
Ang isa pang popular na imahen ng Dolorosa ay ‘yung may nakatarak na punyal sa puso, ang sagisag ng kaniyang “pitong hapis.” May imahen ding lumuluha at kadalasan ay luksa ang kulay ng kasuotan.
| |
Kaya nga’t taimtim na ginugunita ang Viernes Dolores, ang huling araw ng Biyernes ng Kuwaresma bago mag-Semana Santa. At taimtim din na ipinagdiriwang ang kapistahan ng Birheng Dolorosa kung Setyembre 15, isang araw pagkatapos ng kapistahan ng Tagumpay ng Krus (Triumph of the Cross) tuwing Setyembre 14.
Jesus at Maria, mananatili sa puso’t kaluluwa ng mananampalatayang Taytayeño.
- Lakbay-Pananampalataya: Parokya ni San Juan Bautista, Taytay
<https://www.facebook.com/media/set/?set=a.207592926094002.1073741836.204744733045488&> - Photographer: Bro. Nick Esmejarda
- Oher photos from Dolores Chapel Mini-Pastoral Council
- Michael P. Delos Reyes. The Jesuits & Taytay. Windhover. Year XIV, Vol. 1. 2012