"Quadragesima” sa Latin. Kahuluga’y “apatnapu, 40."
Ang Kuwaresma ay panahon ng pagbabalik-loob (repentance), pag-aayuno at paghahanda sa pagdating ng muling pagkabuhay (Easter). Ito’y panahon ng pagninilay at pagtitika, marubdob na pananalangin, panlilimos, pagbabayad-sala at pagkakait-sa-sarili laluna ng pagnanasa sa mga makamundong bagay.
Ito’y apatnapung araw na pag-aalaala sa apatnapung araw na pag-aayuno ng Panginoong JesuKristo sa ilang, sa pangingibabaw Niya laban sa tukso ni Satanas.
Sa kalendaryo ng ating Liturhiya, ang Kuwaresma ay nag-uumpisa sa Ash Wednesday, patuloy sa anim (6) na linggo at nagtatapos bago mag-Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday).
Holy Week
Ang Holy Week o mga Mahal na Araw ay mula sa Linggo ng Palaspas, Lunes hanggang Sabado Santo, Easter Vigil (Sabado) at Easter Sunday.
Easter Triduum
Ang kahulugan ng “triduum” sa Latin ay “tatlong araw.” Ang triduum ay 3-araw na pagdarasal bilang paghahanda o kaya’y ang mismong mga araw ng selebrasyon. Ang Paschal o Easter Triduum ay umaalala sa 3-araw ng Panginoong JesuKristo sa libingan mula Biernes Santo hanggang sumapit ang Linggo ng Pagkabuhay (ganito noong 1956).
Ang Triduum ang pinakamaiksing panahon sa Liturhiya (liturgical season), pero naruon ang pinakaubod na pagtatanghal sa daloy ng ating Liturhiya. Nirebisa ito noong 1969.
Ayon sa Catholic Church General Norms for Liturgical Calendar, #19: Ang Triduum ay nagsisimula sa gabi ng Misa ng Huling Hapunan (Huwebes Santo), sasapit ang pinakarurok nito sa Easter Vigil Mass (Sabado Santo ng gabi, bago mag-umaga), at magtatapos sa panggabing Panalangin sa Easter Sunday. Higit pang lumawig ang saklaw nito dahil tumutungtong na ito sa “4-araw: gabi ng Huwebes, patuloy sa Biernes, Sabado at Linggo, bagama't halos katumbas lamang ito ng 72-oras sa loob ng 3-araw.”
Mapagpasiya ang kahalagahan ng resureksiyon ng Panginoon sa kasaysayan ng pagliligtas (salvation history). Kaya ang pinakamahalagang selebrasyon sa Liturhiya ay hindi ang “kapanganakan (kapaskuhan), ni ang pagbabalik ng Panginoon sa wakas ng panahon,” kundi ang "Easter o muling Pagkabuhay.”
Samantala, ang mga araw ng Linggo sa buong panahon ng Kuwaresma ay hindi kasama sa pagbilang ng 40-araw. Dahil, bawat araw ng Linggo ay kumakatawan sa “munting-Easter” na nagdiriwang sa Pagkabuhay, ang tagumpay ng Panginoon sa kasalanan at kamatayan. Tinatawag din ang Linggo na Day of the Lord--at siempre hindi fasting ang araw na ito.
Kung wawariin, bale tatlumput-pito at kalahating araw (37-1/2) lamang ang bilang ng mga araw ng Kuwaresma mula Ash Wednesday hanggang bago mag-Misa ng Huling Hapunan. Gayunman, ang “epekto” ng Lenten fast, ng mismong Lenten season, ay patuloy at hindi nagbabago. Nanatiling sakop pa rin nito ang Huwebes hanggang Sabado Santo (bagamat nalikha ang bagong panahon ng Triduum).
Kaya kumpleto pa rin ang 40-araw sa buong kapanahunan ng Kuwaresma. Nagkaroon nga lamang ng emphasis sa Triduum nang gawin ito na isa ring liturgical season. Nagkaroon ng overlap sa bandang dulo ng Kuwaresma at sumaklaw hanggang Easter Sunday.
Sa kabilang banda, di ba’t sa buong panahon ng Kuwaresma ay may pag-aayuno at abstinensiya? Kung halimbawang layon mong hindi kumain ng paborito mong seafoods sa panahon ng Kuwaresma, pwede ka pa rin namang kumain nito pag araw ng Linggo. Hindi saklaw ng Lenten fast ang mga araw ng Linggo (ayon sa Code of Canon Laws #1251).
Maglakbay nang may pagpupuri sa Diyos!
Ad Jesum per Mariam – ‘to Jesus through Mary’...